Dy lusot sa Taiwanese netter

Naligtasan ng fifth seed Filipino na si Denise Dy ang Taiwanese na si Chang KaiChen, 6-2, 7-6 (7-0), kahapon at umusad sa third round ng 17th Mitsubishi Lancer International Junior Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ang panalo ni Dy ang nagligtas sa kampanya ng host Philippines matapos na mabigo ang mga wild cards na sina Kyle Joshua Dandan, Noelle Conchita Zoleta at Trudy Gine Amoranto sa kani-kanilang kalaban.

Lumasap si Dandan ng pagkatalo mula sa world’s No. 54 Greg Jones sa iskor na 6-0, 4-6, 7-6 (7) matapos ang dalawang oras at 32 minutong pakikipaglaban.

Yumukod naman si Zoleta, kasama sina Dy at Czarina Mae Arevalo na lalaro sa Federation Cup sa susunod na buwan, sa top seed na si Sacha Joners ng New Zealand, 6-2, 7-6 (1).

Hindi rin umubra ang tikas ni Amoranto sa Japanese netter at No. 14 ranked na si Yurina Koshino, 7-5, 6-0.

Show comments