Muntik nang masayang ang 17-puntos na kalamangan ng Tigers sa kaagahan ng ikaapat na quarter kung hindi dinapuan ng kamalasan ang Beermen sa endgame upang maitakas ng Coke ang ikaapat na sunod na panalo sa gayong ding dami ng laro upang maging mahigpit ang kapit sa liderato.
Nakaahon ang San Miguel mula sa 51-67 pagkakabaon nang pamunuan ni Danny Ildefonso ang 19-4 run upang idikit ang iskor sa 70-71 papasok sa huling 3:33 minuto ng labanan na nagbigay sa kanila ng tsansa sa panalo.
Kinamada ni Ildefonso ang ika-12th puntos sa fourth quarter para sa 72-73 iskor at lalong nagkabuhay ang kanilang pag-asa dahil sa ball hugging violation ni John Arigo ngunit mabilis na napawi ang kanilang mga pangarap ng mag-turn-over din si Olsen Racela nang makawala sa kanya ang bola na ibinalik sa kanya ni Chris Calaguio.
Nakakuha naman ng foul si Arigo mula kay Brandon Lee Cablay para sa kanyang dalawang freethrows na siyang nagselyo ng final score bagamat may 11.5 segundo pang natira para sa huling posesyon ng San Miguel ay hindi na nila binigyan ng pagkakataong makaporma ang Beermen sa pamamagitan ng kanilang mahigpit na depensa upang ipalasap sa tropa ni coach Jong Uichico ang ikalawang talo sa apat na laro.
Sa Hong Kong, natikman ng Talk N text ang unang panalo matapos ang dalawang sunod na kabiguan nang kanilang igupo ang Purefoods (1-2), 88-66 sa Queen Elizabeth Stadium na dinumog ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs). (C.V.Ochoa)