At habang naghihintay na makapagpakitanggilas sa college basketball, maaaring maghasa ng talento ang mga upcoming high school players.
Ito ay sa Total-Fil Oil-Flying V Homegrown Cup, isang torneo na katatampukan ng mga dating star players at upcoming stars mula sa Ateneo De La Salle, Far Eastern University, Letran, San Beda College at University of the Philippines.
Magsisimula ang torneo na pangangasiwaan nina David Dualan, chairman; Virgil Villavicencio, commissioner; Anthony Suntay, project head; Dan Noguera, project coordinator; at Jacqueline Chongco Santos at Randy Salcedo, school coordinators, sa darating na March 18 sa San Juan gymnacium.
"Old stars will play with the younger stars and hopefully this young players will learn to be stars in the future," pahayag ni Villavicencio sa paglulunsad ng torneo sa Kamayan Restaurant kahapon sa Edsa.
Kabilang sa mga players mula sa 1970s ay sina Steve Watson, Fritz Gaston at Joy Carpio mula sa Ateneo; Lim Eng Beng, Peter Ley at Kenneth Yap ng La Salle; Chito Loyzaga at Frankie Lim ng San Beda.
Mula sa 80s at 90 generation, naririyan sina Samboy Lim (Letran); Jong Uichico, Aldo Perez at dating Lipa vice-mayor Boy Manguerra (La Salle); Glenn Capacio, Harmon Codiñera at Ronald Magtulis (FEU); Ronnie Magsanoc, Yeng Guiao at Bert Ortiz (UP); BoybitsVictoria at Ralph Rivera (San Beda).
Makakalaban ng mga dating stars sa torneong ito na sponsored ng Immuvit, X-24 at Accel Sports, ang mga high school teams mula sa La Salle, Ateneo at San Beda.
Bubuksan ng La Salle at Letran ang aksiyon sa sagupaan ng high school at alumni teams simula sa ala-una ng hapon habang maghaharap din ang alumni at high school team ng Ateneo at San Beda simula alas-5:00 ng hapon sa torneong ito na lalaruin tuwing Sabado at Linggo lamang na single round robin na tatagal hanggang Abril 22 kung saan ang top two teams ay maglalaban sa finals sa finals. (CVO)