Interesanteng pag-usapan ang kaso ni Compton dahil sa kakaiba niyang pagkatao. Bagamat dugo ng purong Amerikano ang nananalaytay sa kanyang dugo, pinanganak siya dito sa Pilipinas, kaya siya nakalaro sa Metropolitan Basketball Association.
Subalit ang kakaiba sa Cornell graduate ay mas Pilipino pa siya sa ibang kababayan natin. Habang ang ibang Pinoy ay nagpupumilit magsalita ng English, ang shooting guard ay malalim at makata pang magsalita ng sariling wika natin. Minsan ay tinawagan niya ang inyong lingkod gamit ang isang bagong cell phone, at nagpakilalang "Jose Fernandez". Tawang-tawa siya nang di ko malaman na siya ang tumawag. Ganoon kalinis ang kanyang pananalita.
Napapanahon din na pag-usapan ito di lamang dahil dalawang ulit nang ipinagpaliban ng PBA Board, kundi dahil nagbago na ang panahon.
Una, hindi maatim ni Compton na bitawan ang kanyang US citizenship, dahil sa pag-aalala sa mga magulang niyang mga retiradong guro sa Winsconsin. Kung may mangyari sa kanilat Filipino passport ang hawak niya, hindi siya makakaalis kaagad. Magkakaproblema pa sa visa at kung anu-ano pa.
Subalit hindi na dapat ito maging problema, dahil may dual citizenship na. At maging sa ilalim ng batas ng Amerika, ang isang mamamayan ay may karapatang piliin ang citizenship ng kanyang magulang, o ng bansa kung saan siya ipinanganak.
Pangalawa, may nauna nang ganitong kaso. Noong simula ng PBA (mula 1975 hanggang 1976, ang dalawang import na sina Cisco Oliver at Billy Robinson ay pinayagang maglaro laban sa mga all-Filipino teams para pumantay ang laban. Sa sobrang lakas ng Crispa at Toyota, kinailangang gawin ito para gumanda ang mga laban. Ibig sabihin, maari itong gawing teknikal na batayan para alisin ang hadlang ng citizenship ni Compton.
Liban diyan, modelong mamamayan ang dating MBA Most Valuable Player, di gaya ng maraming Fil-Am na di gaanong kagandahan ang inaasal.
Ang isa pang dapat tignan ay ang mga plano mismo ni Compton. Sinabi niyang malapit na siyang tumigil sa paglalaro, dahil rumurupok na rin ang kanyang katawan. Sinabi na niya na kung di siya makukuha ng PBA, malamang magretiro na siya. Hindi na rin siya bata.
Alalahanin din nating hindi kasama si Compton sa line-up ng Welcoat, kaya malamang ay sa Rookie Draft siya babagsak.
Malinis ang pangalan ni Compton, at bagamat hindi siya kasing tindi ng dati, malakas pa rin siya, lalo na pag gipitan ang laban.
Bilang pangwakas, nakakasiguro ang PBA na hindi ito masasaktan ng pagpasok ni Compton. At, dahil saglit na lamang ang ipapamalagi niya doon, maaari nating tignan na pagbibigay-parangal ito sa isang manlalarong huwaran sa mga kabataan.