Viloria malugod na tinanggap ni PGMA

Kung empanada na korteng boxing gloves ang inihanda ng mga chef ng Malacañang para kay Manny Pacquiao noong Enero, isang cake naman na korteng boxing belt ang ibinigay kay Brian Viloria kahapon sa Malacañang. 

Masayang tinanggap ng 26-anyos na si Viloria, ang World Boxing Council (WBC) light flyweight champion, ang naturang cake na kulay puti at berde na siyang sumisimbolo sa kanyang championship belt. 

"I hope our country gets a lot better. The community, the military," sambit ni Viloria sa kanyang ginawang courtesy call kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Heroes Hall ng Malacañang.   

Matagumpay na nai-depensa ni Viloria, tubong Narvacan, Ilocos Sur, ang kanyang WBC light flyweight crown matapos umiskor ng isang unanimous decision laban kay Mexican challenger Jose Antonio "El Jaguar" Aguirre noong Pebrero 19 sa Las Vegas.

Ibinabandera ngayon ni Viloria ang kanyang 19-0 win-loss record tampok ang 12 knockouts. 

Inialok ni Viloria ang kanyang serbisyo kay Pangulong Arroyo upang maging instrumento sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa buong bansa. 

"I’ll go whatever they want me to do to help boost the morale of the Filipino people, to  help alleviate some of the stress that inflicted this country," wika ni Viloria. 

Handa rin ang tinaguriang "Hawaiian Punch" na magtatag ng isang sports program para sa lahat ng mga batang Pinoy na nahihilig sa sports. (Russell Cadayona)

Show comments