Lumipad patungong Las Vegas si Roach para makasama si Viloria at ang cutman na si Ruben Gomez.
Pinamahalaan nito ang dalawang buwan na pagsasanay ni Viloria sa Wild Card Gym sa Hollywood at sinabing handang-handa na ang tinaguriang "Hawaiian Punch" na idepensa ang kanyang korona.
Samantala, ang beteranong si Tony Weeks ang siyang tatayong referee sa gagawing unang pagdepensa sa WBC light flyweight title ni Fil-Am Brian Viloria laban kay Mexican challenger Jose Antonio Aguirre na gagawin bukas sa Aladdin Casino and Resort sa Las Vegas, Nevada.
Ninombrahan naman ng Nevada State Athletic Commission sina Ray Hawkins, CJ Ross at Gleen Trowbridge na gaya ni Weeks ay pawang tubong Nevada, para maging hurado ng 12 round title fight.
Hindi naman tiyak kung matatapos sa takdang laban ang nasabing sagupaan lalo pat si Viloria ay kilala sa pagiging isang knockout artist.
Kung mayroon man isang tiyak na magaganap sa laban, itoy ang inaasahang pagiging patas ni Weeks sa kanyang magiging desisyon.
Makailang ulit nang tumayo si Weeks bilang third man on the ring sa malalaking title fight, ang huli nga ay nang maglaban sina Oscar Larios at Israel Vazquez nitong Disyembre 3, 2005 sa Mandalay Bay, Las Vegas.
Si Larios ay isa sa mga sinasabing posible namang makalaban ni Manny Pacquiao sa gagawing tune-up fight sa Abril o Mayo sa bansa.