At gaya ng inaasahan, si Albert Primero na naman ang muling bumalikat sa kampanya ng sinalanta ng kamalasan na PAGCOR team nang tumapos ito sa maikli ngunit madulas at mapanganib na 72.7-km na karera mula sa Yong Peng dito sa pagposte ng tiyem-pong isang oras, 33 minuto at 33 segundo na pareho ring isinumite ng 91 iba pang riders.
Si Primero na humataw sa Cameron Highlands third stage na naglagay sa koponan bilang top perfor-mers dito, ay tumapos ng ikalima sa Asian stage, upang dalhin ang koponan sa fourth-place finish sa Asian stage, sa likod ng Malaysia, all-star team na Equipe Asia at Taiwans Giant-Asia.
Ang tagumpay na ito ni Primero, nakasalo sa main group sina Victor Espiritu at Bernard Luzon, ay sapat na para talunin ng PAGCOR team ang national team ng Japan at ang Indonesian pro team na Wismilak sa ikalawang sunod na araw.
Suportado ng PhilPost, Air21, Unilab, UCPB Gen., Vellum Cycles at Philippine Sports Commission, nagawa ring silatin ng PAGCOR riders ang Ceramica Panaria-Navigare at Wiesenholf Akud ng Germany. Tumalon si Primero mula sa pinakamataas na 22nd place sa overall Asian classification taglay ang oras na 27:21.43, 44 minutong layo sa leader na si Hossein Askari ng Giant-Asia.
Nananatili naman si Espiritu sa 12th place, taglay ang 21 minutong agwat sa lider.
Si Sherwin Carrera ang ikatlong siklista na nalagas sa koponan matapos nina Merculio Ramos at Sherwin Diamsay. Ang pagkakaroon ng flat tire sa 10-kilometer mark ang nagpuwersa sa bagitong miyembro ng PAGCOR na sumuko ng ang main pack ay pumedal ng pinakamabilis na 62 kph na mayroong maintaining average na 50 hanggang 55 kph.
"Imposible na makahabol, di pa rin ako aabot sa curfew (cutoff) time kasi masyadong mabilis yung grupo (It was impossible for me to catch since the pace was too fast and I wouldnt be able to make it to the cutoff time just the same)," wika ni Carrera.