Inamin ng organizers sa likod ng annual bikathon na inaayos pa nila ang kabuuang cash package para sa 2006 Tour, gayunpaman siniguro rin nila na ang lahat ng 80 siklista na nag-qualify para sa April 20-30 summer spectacle ay mababayaran.
Ang 2005 Golden Tour ay may kabuuang cash prize na P2.717 million, P100,000 ang napasakamay ng individual champion at P700,000 naman sa winning team.
Si Warren Davadilla ang siyang may naisubing pinakamalaking premyo sa pagsungkit ng ikalawang Tour title upang isama sa kanyang nauna na pinagwagian noong 1998. At ang kanyang koponan na Colt 45 ang siyang bumandera sa team event.
"So far inaayos pa yung cash prizes na ibibigay, pero ako na mismo ang magsasabi na lahat ng makakasali sa Tour ay malaki-laki ang makukuha. Talagang inilaban ko yan dahil alam ko rin naman kung paano ang buhay siklista," pahayag ng 1979 champion na si Paquito Rivas, na siya ring race director ng Tour Pilipinas, kahapon sa PSA Forum sa main function room ng Pantalan Restaurant sa Manila.