Alas-7:00 ng gabi nakatakda ang sagupaan ng Beermen at Express na siyang dedetermina kung sino ang haharap sa Talk N Text sa best-of-five quarterfinal series na magsisimula sa Linggo.
Naihirit ng San Miguel ang sudden-death match na ito matapos ang kanilang 104-103 panalo sa Game-Two kamakalawa sa kabayanihan ni Dorian Peña na umiskor ng winning basket sa huling 1.6 segundo ng labanan.
Inaasahang muling babanderahan ni Danny Seigle ang Beermen ngunit kailangan nito ng ibayong suporta mula kina import Kwan Johnson, Danny Ildefonso, Dondon Hontiveros, Nic Belasco at Olsen Racela upang maiwasan ang pagkakasibak sa kontensiyon at samahan ang Coca-Cola na kanilang dinispatsa sa survivor round.
Kung naipasok sana ni import Shawn Daniels ang apat na krusyal na free-throws sa endgame, nasa quarterfinals na sana ang Air21 na nanalo noong Game-One sa 97-88 kaya inaasahang babawi ito ngayon upang isalba ang Express sa maagang pagbabakasyon.
Makakatulong ni Daniels sina Gary David, Renren Ritualo, Ronald Tubid at ang magkapatid na Yancy at Ranidel De Ocampo para makabawi sa nakaraang kabiguan.
Naitakda na ang isa pang best-of-five quarterfinals match sa pagitan ng Red Bull at Alaska matapos iselyo ng Aces ang 2-0 panalo sa best-of-three wild card series kontra sa Sta. Lucia Realty noong Miyerkules.(CVOchoa)