Ito ang siyang tiniyak ni Cuban Ambassador Jorge Rey kay Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Manny T. Lopez mula na rin sa ilang beses nang kahilingan ng huli.
"Si Ambassador Jorge Rey ay nangako at sinisiguro sa amin na si Raul ay darating sa Enero para umpisahan ang ating pagpaplano sa pagkuha ng medalya sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar," ani Lopez.
Matatandaang ilang ulit ring kinulit ng ABAP ang Cuban boxing association na ipahiram sa kanila si Liranza para sa 23rd Southeast Asian Games.
Sa kabila ng kabiguang makuha ang serbisyo ng tanyag na Cuban mentor, nakasuntok pa rin ang Team Philippines ng 8 gold, 4 silver at 2 bronze medals sa nasabing biennial event.
Inaasahang darating sa bansa ang 58-anyos na si Liranza sa unang linggo ng Enero ng 2006.
Sa nakaraang Asian Games sa Busan, Korea noong 2002, walang nakuhang gintong medalya ang mga Filipino boxers.
"Pagpasok pa lang ng Enero ay talagang pagtutuunan na namin ng pansin ang Qatar Asian Games," ani Lopez. "We have to prepare hard kasi mabigat ang labanan sa Asian Games hindi katulad sa SEA Games."
Noong 1994 Hiroshima Asiad sa Japan, tatlo sa kabuuang 12 gold medals na nakalatag ay nasikwat ng Team Philippines. (RCadayona)