Sasagupain ng Beermen sa tampok na laro sa alas-7:20 ng gabi, ang Coca-Cola na ngayon pa lamang sasalang sa court matapos ang mahabang break ng PBA sa pagbibigay daan sa nakaraang Southeast Asian Games.
Hangad ng Beermen na masundan ang kanilang 83-77 panalo laban sa Red Bull sa unang laro ng PBA matapos ang break noong Sabado sa Iloilo City upang lalo pang mapalawig ang kanilang nangungulelat na 3-8 win-loss slate.
Maganda ang naging epekto sa Beermen ng pagbabakasyon ng liga na unti-unti nang nag-iiba ang kapalaran at hangad nilang ipagpatuloy ito sa tulong ni import Kwan Johnson kasama ang mga locals na sina Dorian Peña, Danny Seigle, Danny Ildefonso at iba pa.
Layunin naman ng Tigers na mawakasan ang kanilang three-game losing streak upang mapaganda ang 5-6 kartada at lalong umakyat ang posisyon sa team standings kung saan kasalukuyan silang nasa ika-pitong puwesto.
Mauuna rito, maghaharap naman ang Sta. Lucia Realty at Barakos na kapwa nais makabangon sa masaklap na kabiguan, sa alas-4:40 ng hapong sagupaan.
Isang malaking kahihiyan ang nakaraang pagkatalo ng Realtors dahil importless ang kanilang nakalabang Alaska ngunit nagawa nilang tangayin ang 87-82 panalo sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Ynares Center kamakalawa sanhi ng kanilang pagbagsak sa 5-8 record.
Nasira naman ang two-game winning streak ng Red Bull dahil sa kanilang pagkatalo sa Beermen na nagbagsak sa kanila sa ikaapat na posisyon mula sa pakikisalo sa ikalawang puwesto kung saan hawak nila ang 7-6 record sa likod ng nangunguna Purefoods Chunkee na may 9-4 karta na sinusundan ng Talk N Text at Barangay Ginebra na tabla sa 7-5 kartada.
Sa unang pagkikita ng Coke at SMBeer noong October 7, nanalo ang Tigers, 79-77 na noon ay kasama pa ang mahinang si Alex Carcamo habang ang Beermen ay kasama pa si Rico Hill.
Sa pagkakataong ito ay ang epektibong si Omar Thomas na ang reinforcement ng Coca-Cola habang kay Kwan Johnson na nakaasa ang San Miguel.
Nanalo naman ang Red Bull sa Sta. Lucia, 95-78 sa kanilang first encounter noong October 28 ngunit kasama pa noon ng Realtors si Leonard White ngunit sa pagkakataong ito ay makakatapat na ni Barako import Greer Quemont si Damian Owens na ibinalik ng Sta. Lucia kapalit ni Omar Weaver. (CVOchoa)