Parehong yumukod ang tropa nina CJ Suarez, Joonee Gatchalian, Markwin Lopez Tee, Chester King at Biboy Rivera sa mens team of 5 at natalo ang grupo nina Ces Yap, Liza Del Rosario, Liza Clutario, Irene Garcia at Jojo Canare sa womens team of 5 events.
Umiskor ang Malaysia ng 6,781 at 6,445 pinfalls upang angkinin ang mga gintong medalya sa mens at womens team of 5 events, ayon sa pagkakasunod.
Nagtumpok naman sina Suarez, ang 2004 World Cup champion, Gatchalian, Tee, King at Rivera ng kabuuang 6,667 pinfalls upang kunin ang pilak kasunod ang 6,385 ng Singapore para sa tansong medalya.
Muling pinangunahan ni Zulkifli Zulmazran ang mens squad katuwang sina Daniel Lim Tow Chuang, Alex Liew Kien Liang, Aaron Kong Eng Chuan at Ben Heng Boon Hian, samantalang si Zandra Aziela ang namuno sa womens team katulong sina Wendy Chai De Choo, Esther Cheah Mei Lan, Crystal Choy Poh Lai at Amirah Siti Safiyah.
Kumolekta ang mga Filipina ng kabuuang 6,325 pinfalls para sa silver medal sa itaas ng 6,186 ng Indonesia para sa bronze medal.
Noong Huwebes, silver medal rin ang naipagulong ng mens at womens team sa trios event na pinamahalaan ng Malaysia at Indonesia, ayon sa pagkakasalansan, para sa gold medal.
Sa kasalukuyan, may dalawang gold at apat na silver medals ang Pinas. (Russell Cadayona)