Thais hinataw ng Blu Girls

ROSARIO, Pasig City – Buong ningning na ipinakita ng RP Blu Girls ang kanilang determinasyon na mapanatili ang korona sa SEA Games softball makaraang bokyain ang Thailand, 8-0, sa Rosario Sports Complex.

Isang two-run homerun ang kinana ni first basewoman Gina Salvador at kumuha ng karangalan bilang kauna-unahang manlalaro na nag homerun sa ginaganap na biennial meet.

Dahil sa kanyang homerun, tulad ng ipinangako ni Pasig City Mayor Vicente Eusebio, si Salvador ay tatanggap ng P3,000 bonus.

Kumana din si Elaine Caladiao na may dalawang RBI (run batted in), Joan Locsin at Nimpa Baral na kapwa may tig-1 RBI, katulong si Salvador na naging masigasig sa opensa ng Blu Girls na nagbigay kasiyahan sa mga manonood.

Ngunit hindi rin maiaalis ang kredito ng tagumpay ng Blu Girls kina starter Ma. Orazon Soberre at reliever na si Mary Joy Lasquete na sa pamamagitan nilang dalawa ay nalimita ang Thailand sa tatlong hit lamang.

Sa kabilang dako, pinaliguan naman ng Blu Girls ang pitcher ng Thailand na si Klaysuan Somporn ng sampung hits. (Lawrence John Villena)

Show comments