3rd gold sinagwan ni Tolentino

Sumandal ang Philippine Rowing team kay Benjamin Tolentino upang makopo ang overall title ng naturang sport sa 23rd Southeast Asian Games.

Minarkahan ni Tolentino ang La Mesa Dam bilang teritoryo nito matapos ang pagkopo ng tatlong gintong medalya bilang ikalawang triple gold medalists ng bansa sa kasalukuyang biennial meet.

Sinagwan ng 32-gulang na si Tolentino ang kanyang ikatlong ginto katulong si Alvin Amposta sa lightweight men’s double sculls upang parisan ang tatlong golds ng diver na si Sheila Mae Perez.

Kung ang ibang atleta ay inabot ng isa o tatlong araw bago maging double gold medalist, mahigit isang araw lamang ang hinintay ni Tolentino, na nagkasya lamang sa bronze at silver medal noong 2003 Vietnam Games.

Sinagwan ni Tolentino ang kanyang unang ginto sa lightweight singles sculls bago  nakipagtambalan kay Jose Rodriguez para sa kanyang ikalawang gold sa men’s pairs.

Nagtala sina Tolentino at Amposta ng pinakamabilis na oras na 6:50.16 sa tatlong karera-500 meter (1:40.36), 1,000m (3:24.05) at 1,500m (5:06.18) upang talunin ang Thailand rowers na sina Ruthtanaphol Theppibal at Anupong Thainjaw na nagtala ng 6:54.18 minuto matapos ang tatlong karera.

Isang malaking tagumpay ito sa mga rowers na tumapos ng 3-1-3 gold-silver-bronze matapos mabokya sa Vietnam edition ng biennial meet kung saan mayroon lamang silang tatlong silver at dalawang bronze.

Mayroon ding tatlong golds ang Vietnam sa kabuuang siyam na golds na pinaglabanan sa La Mesa Dam ngunit  isinuko nila ang overall title sa naturang sport matapos mag-produce ng isang silver lamang kumpara sa kanilang 4-golds at isang silver nang kanilang ihost ang naturang event.

Sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon, mayroon ding isang silver ang Pinas mula sa men’s four team nina Joel Audian Bagasbas, Amposta at magkapatid na Nestor at Nilo Cordova habang naka-bronze naman si Nida Ison Cordova at Fornea Maria Concepcion Medina sa women’s pair gayundin si Jose Rodriguez sa men’s singles sculls. (Carmela V. Ochoa)

Show comments