Tambalang Suarez-Gatchalian, nagrolyo ng gold

Matapos mabigo noong Martes, nakipagtulungan naman si CJ Suarez kay Joonee Gatchalian upang angkinin ang gold medal sa men’s doubles (long oil) sa bowling event ng 23rd Southeast Asian Games kahapon sa Pearl Plaza Bowling Center sa Paranaque City.

Kinuha nina Suarez at Gatchalian ang ginto mata-pos magkarga ng mga larong 476, 443, 482, 487, 464 at 382 para sa kabuuang 2754 pinfalls, 11 pinfalls lamang ang layo kina Malaysian tandem Alex Liew Kien Liang at Ben Heng Boon Hian.

Nagposte sina Liang at Hian ng 2743 pinfalls para sa silver medal kasunod ang 2677 ng mga kababa-yang sina Daniel Lim Tow Chuang at Aaron Kong Eng Chuan para sa bronze medal.

"Napanood ng First Gentleman ang laro namin at sobrang dami ng mga supporters na nanood sa atin sa bowling center," kuwento ni Suarez, ang 2004 World Cup champion, sa pagbisita ni First Gentleman Atty. Mike Arroyo.

Bago ang kanilang panalo ni Gatchalian, minalas si Suarez na makasikwat ng medalya sa men’s singles (short oil) kung saan kinuha ng kababayang si Markwin Lopez Tee ang silver medal.

"I think we are right on target sa goal natin for the gold medal sa bowling event," wika ni Suarez, estudyante ng Ateneo De Manila University.

Nauna rito, si Ces Yap ang nagbulsa ng ginto sa women’s singles (long oil) para sa pagsisimula ng kampanya ng Philippine national bowling team sa 2005 SEA Games.

 Dalawang gold medals naman ang nakahanay ngayong alas-3:50 ng hapon. Ito ay sa  men’s at women’s trios (long oil). (Russell Cadayona)

Show comments