Hindi na kinailangang pagpawisan ng todo ni Magliquian ng kanyang pataubin ang Cambodian na si Jen Dyaman, 19-4, habang binugbog naman ng husto ni Parrenas, mula sa Cadiz City si Nhothin Holapatiphone ng Laos, 26-6 na sinaksihan ng punumpunong manonood sa La Salle Gymnasium.
Isang malutong na suntok ang pinatama ni Magliquian sa kalabang si Dyaman sa ulo at katawan na nagresulta ng standing eight-count sa 45 segundo ng lamang ng kanilang four-rounder bout kung saan abante ang Pinoy sa iskor na 10-0.
At ang maningning na performance na ito ni Magliquian ay tinapos lamang ng 64 segundo na nagpalakas na kanyang tsansa para sa ginto kung saan ang mahigpit niyang karibal ay ang Thai na si Keanus Pangpayon na nanalo naman sa kalabang si Mohd Nazri Bin Yusof ng Malaysia, 23-7.
Samantala, dalawang miyembro ng womens team--sina pinweight Alice Kate Aparri at flyweight Annie Albania ang pumares sa tagumpay ng mens side.
Sinalanta ni Aparri si Lo Thuy Nam ng Vietnam, habang nanaig naman si Albania kay Juthap Chusang ng Thailand sa second round. (JMMarquez)