5 golds sa wushu event tangka ng Pinoy

Limang gintong medalya sa isa sa pinakamayamang gold medal sports ang nakaabang nagyong araw sa panimula ng wushu event ng 23rd South-east Asian Games na gaga-napin sa Emilio Aguinaldo College (EAC) Gymnasium.

Isasalang ang men’s  taolu-nanquan at women’s taolo-gunshu sa alas-12 ng tanghali, habang isasabak sa aksiyon ang men’s taolo-jianshu at taolo-daoshu at women’s taolo-nanquan event sa alas-7:30 ng gabi.

 May kabuuang 22 gintong medalya ang nakataya sa wushu event kung saan pun-tirya ng Philippine wushu players na masungkit ang 10 hanggang 12 ginto para iam-bag sa kampanya ng bansa na makopo ang overall title sa biennial meet na nilahukan ng 11 bansa.

 "We are expecting to win 10 to 12 gold medals out of the total 22 at stake," ani Julian Camacho, president ng WFP, sa kanilang target sa 2005 Philippine SEA Games.

Noong 2003 SEA Games sa Vietnam, anim na ginto ang inuwi ng bansa kung saan apat nito ay mula kina Willy Wang sa men’s qiangshu-spear play at jianshu at Arvin Ting sa men’s gunshu-staff at daoshu event. 

Nag-ambag naman ng tig-isang ginto sina Dolores Andres at Edward Folayang sa women’s 52 kg. sanshou at men’s 70 kg. sanshou, ayon sa pagkakasunod. 

Idedepensa ni Wang ang kanyang korona sa men’s taolo-jianshu at ang batang si Ting naman sa titulo sa men’s taolo-gunshu event. (Sarie Francisco)

Show comments