Masaya sa Ilocandia

Bago tuluyang matuon ang pansin ng lahat sa 23rd Southeast Asian Games na pormal na bubuksan bukas sa Luneta, hihirit muna ng isang matindi ang PBA!

Swerte ng mga kababayan nating Ilokano dahil sa kanilang lalawigan gaganapin ang annual PBA All-Star Game. Maghaharap ang North at South All-Stars sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City ngayong hapon.

Hangad ng North team na makabawi sa South squad na tumalo sa kanila noong isang taon kung kailan ang All-Star Game ay ginanap naman sa Cebu City.

Natural na kahit paano ay kakampihan ng mga Ilokano ang North Team. Ewan lang natin kung sa pagkakataong ito ay magiging tutoo pa rin ang sinasabing "Solid North." Kasi nga, hindi lang naman ang mga manlalaro ng North Team ang paborito ng mga Ilokano. May mga paborito din silang manlalaro buhat sa South Team.

Baptism of fire ang All-Star Game na ito para kay Paul Ryan Gregorio na hahawak sa North Squad. Ito kasi ang unang pagkakataong magko-coach siya sa All-Star Game.

Nangyari ito dahil sa naigiya ni Gregorio ang Purefoods Chunkee Corned Beef sa 9-3 record bago nag-break ang San Mig Coffee PBA Fiesta Conference upang magbigay daan sa SEA Games. Marami rin talaga ang nagulat sa pag-arangkada ng Giants na hindi naman ibinilang nga mga experts sa top teams bago nagsimula ang torneo.

Hindi naman ganoon ka-drastic ang naging pagbabago sa line-up ng Purefoods. Ang naidagdag lang ay ang fourth pick ng Draft na si Jondan Salvador at sina Marc Pingris at Egay Billones na nakuha buhat sa Air21 Express. Pero tila nakuha na nga ni Gregorio ang tamang formula kung kaya’t nandoon sila sa itaas ng standings.

Isang malaking karangalan para kay Gregorio ang naging coach sa All-Star Game pero siyempre, matapos ang lahat ng ito, ang talagang iniisip niya ay kung paano mananatili sa itaas ng standings ang Purefoods hanggang sa dulo ng classification round upang makausad sila kaagad sa semis.

Makakatunggali ni Gregorio ang beteranong si Joel Banal na hahawak sa South Team. Noong isang taon ay pinch-hitter lang si Banal. Pinalitan niya si Siot Tanquingcen ng Barangay Ginebra dahil sa nag-asawa ito’t naghoneymoon. Kahit pinch hitter siya ay naigiya niya sa tagumpay ang South Team.

So, ikalawang sunod na pagkakataong hahawakan ni Banal ang South Squad at hangarin niyang patunayan na hindi tsamba ang nangyari noong isang taon. Natural na aasa siya kina Paul Asi Taulava at Jimmy Alapag na mga manlalaro niya sa Talk N Text. Noong isang taon ay pinagsaluhan ng dalawang ito ang Most Valuable Player award ng All-Star Game.

Sino nga ba kina Gregorio at Banal ang babalik sa Maynila na may ngiti sa labi?

Di na mahalaga iyon para sa mga Ilokano. Ang tiyak diyan, ang mga Ilokano ang siyang magkakaroon ng malaking ngiti matapos ang All-Star weekend.
* * *
BELATED birthday greetings kay Glen Nares na nagdiwang noong Nov. 23.

Show comments