Matapos ang apat na oras na Board meeting sa Adamson campus kahapon kung saan dumalo ang lahat ng 16-members ng Board kabilang ang mga La Salle representatives na sina Lito Tanjuatco at Danny Jose, nilikha ang komite na bubuuin nina UAAP Season 68 secretary-treasurer Dr. Ricardo Matibag ng host Adamson, Fr. Ermito de Sagun ng UST, Arlyne Royo ng National U, Josie de Leon ng Far Eastern U at Atty. Rene Villa, ang legal counsel ng liga para mag-imbestiga kung paano nakakuha ng pekeng PEP Test certificates para makapasok sa DLSU mens basketball team sina Mark Benitez at Timothy Gatchalian na siyang tinukoy na ng La Salle officials matapos ang kanilang isinagawang sariling imbestigasyon.
"We really have to dig deep into the issue, find out who are behind this and why and how do they have access to these papers," ani Matibag.
Bukod sa La Salle, susuriin na rin ng komite ang roster ng iba pang member schools na posible ring may ineligible players.
"The fact-finding committee has been created to enable the board to establish facts, gather additional information and documents aimed at providing the UAAP board sufficient basis in arriving at a sound resolution to the matter," ayon sa opisyal na statement ng UAAP.
Nakatakdang magpulong uli ang Board sa susunod na linggo upang talakayin ang isasagawang imbestigasyon.
Ang lahat ng Board members ay hindi rin nasiyahan sa report ng La Salle ukol sa kaso nina Benitez at Gatchalian.
"The report (of La Salle) was considered incomplete (by the board) and that there are questions left to be answered," ani Matibag.
Wala pang anumang kaparusahang ipapataw sa La Salle hanggat hindi natatapos ang imbestigasyon ng komite na walang ibinigay na deadline.
Nakatakdang isauli ng La Salle ang kanilang 2004 trophy kung saan naging bagahi ang dalawang ineligible players na kanilang dadalhin sa tanggapan ng Adamson na bilang host sa taong ito. (Carmela V. Ochoa)