Matapos palitan si Luke Whitehead, tatlong sunod na kamalasan na ang natikman ng Sta. Lucia na nagbaba sa kanilang baraha sa 2-4.
Ipinatikim ng Red Bull Barako ang naturang pangatlong dikit na pagkatalo ng Realtors mula sa kanilang dominanteng 95-78 pagwawagi upang sikwatin ang ikatlong puwesto sa eliminasyon ng 2005 San Mig Coffee-PBA Fiesta Conference sa Cuneta Astrodome kagabi.
Nailista ng Red Bull ang kanilang 4-2 rekord mula na rin sa career-high 12 produksyon ni rookie Leo Najorda para dumikit sa mga nangungunang Purefoods Chunkee, may 5-1 kartada, at Talk N Text, nagdadala ng 4-1 marka.
Ipinoste ng Barakos ang malaking 47-34 bentahe sa pagpinid ng second quarter, tampok rito ang 19 puntos ni import Quemont Greer, hanggang makaahon ang Realtors sa 65-71 agwat sa unang apat na minuto ng fourth period.
Isang 9-0 bomba naman ang inihulog ng grupo ni mentor Yeng Guiao sa sumunod na tagpo upang itala ang 80-65 abante sa huling 6:32 ng sagupaan patungo sa 85-72 lamang, 3:23 rito.
Samantala, magsasagupa naman ang San Miguel at Air21 ngayong alas-4:30 ng hapon sa out-of-town game ng liga sa Roxas City, Capiz kung saan hangad ng Beermen na matikman ang kanilang kauna-unahang panalo matapos ang 0-4 start.