Kapwa pumitas ng tig-isang gintong medalya sina Eliza Marie Paez at Angelo Villamil sa girls at boys 12-under shot put event upang ilagay ang Manila sa ilalim ng apat na ginto ng Muntinlupa.
Naglista ang 12-anyos na si Paez ng hagis na 5.95-meter sa girls 12-under shot put para talunin ang kakamping si Toni Jean Laurena (5.24m) at si Lenebeth Lanoy (4.95m) ng Bohol.
Bumato naman si Angelo Villamil ng layong 7.26m sa boys 12-under shot put kasunod ang 6.53m ni Warren Gacoscos ng Candon City at 6.46m ni Roger Hagutin ng Bohol.
Maliban sa athletics, kinansela rin ng nag-oorganisang Manila Sports Council (MASCO) ni chairman Ali Atienza ang pag-aagawan sa titulo ng Muntinlupa City at Tanauan City sa little league girls 13-15 softball at ng Muntinlupa at Laguna sa little league boys 12-under baseball sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa.
"Mas mabuti na itong ipagpaliban natin yung ibang events para maiwasan natin yung aksidente sa mga bata," wika ni Atienza sa malakas na pagbuhos ng ulan kahapon.
Parehong tinapos ng Muntinlupa at Tanauan ang kanilang eliminasyon sa magkatulad na 4-0 rekord.
Nakatakda namang bitawan ngayong araw ang swimming event kung saan kabuuang 46 gintong medalya ang nakataya sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate. (Russell Cadayona)