2 golds sinuntok ng Pinoy pugs

TAMPERE, Finland – Gaya ng kanilang pangako na maghiganti bunga ng tinamong kabiguan ng kanilang mga kababayan, isinubi nina Warlito Parrenas, napiling most Technical Boxer at Joan Tipon ang gintong medalya para sa Team Philippines at tumapos na tersera sa likod ng host Finland at Amerika sa pagtatapos ng 19-nation, 26th Tammer International dito sa Pynnikki Hall.

At sa inaasahang dikitang laban, nagtapos ito sa isang lopsided na panalo nang humakot si Parrenas ng malaking puntos upang iposte ang 44-22 panalo laban sa Irish na si Conor Ahern.

Malamig na sinimulan ni Parrenas, tubong Cadiz City ang kanyang kampanya ng lumayo lamang ito ng isang puntos, 6-5 sa first round, subalit sa sumunod na round, nagsimula ng mag-init ng husto si Parrenas ng magpakawala ito ng mga blows upang idikta ang tempo sa pagtatapos ng 2nd round taglay ang 25-19 kalamangan.

Mula dito, lalong pinasiklaban ng Filipino si Ahern na hindi na nakaporma ng lalong palobohin ni Parrenas ang kanyang bentahe sa 31-19 tungo sa kanyang panalo.

Sa kabilang dako, walang awang binugbog naman ng todo ni Tipon si Ibrahim Mohamad ng Jordan upang angkinin ang 19-5 panalo.

Matapos na patawan ng 2 point deduction sa first round, sinimulan ni Tipon na gamitin ang kanyang mabibilis na paa na sinabayan ng matutulis na suntok upang umabante sa 5-2 sa pagtatapos ng first round.

At sa sumunod na round, ang dalawang boxers ay nagsabayan ng pagpapalitan ng suntok, pero kapwa sila nabigong magpatama ng solidong suntok kung saan nananatiling angat ang Pinoy sa 7-3.

At matapos ang malamig na kampanya, naglabas na si Tipon ng maraming combination laban sa kanyang kalaban upang palobohin ang kanyang trangko sa 14-5.

Ang biyaheng ito ay itinataguyod ng FG Foundation, Ginebra San Miguel, PSC, Pacific Heights at Accel.

Show comments