Mananalo ako para sa bayan – Brosas

Tatangkain ng beteranong boksingerong si Carlito Brosas na mas umangat pa ang kumpiyansa ng mga kababayan niya sa pagkatawan sa bansa laban sa Intsik na si Xhi Lin Xia para sa bakanteng World Boxing Empire (WBE) Asia Pacific welterweight title sa Oktubre 29 sa Mandaluyong Sports Complex.

Inamin ni Brosas na wala siyang kamalay-malay sa estilo ni Xia pero agad din niyang sinabing nakahanda siya kahit ano pa ang gagawin ng kalaban sa kanilang nakatakdang 12-round rumble na pinagtulungang iayos nina top Filipino boxing patron Gabriel Elorde Jr., Mayor Boyet Gonzales ng Mandaluyong at Marc Roces ng Jemah Communications.

Si Xia, ang unang narehistrong pro-boxer sa China na may palayaw na ‘Rock’ ay 25-year old, 6-foot at right-handed fighter na may 75 pulgadang braso.

Sa personal na pakay, nais ng 5-foot-10 na si Brosas na muling patibayin ang posisyon niya bilang isa sa pangunahing welterweight campaigner at magkampeon sa unang pagkakataon. Naka-ranggo na siya ngayong No. 6 at No. 3 sa Philippine Boxing Federation (PBF) at WBE Asia Pacific Boxing Association, ayon sa pagkakasunod.

Ipapalabas ng lingguhang Elorde Boxing Special ni Elorde at ng Jemah ang laban na tinatawag na ngayong ‘Eastern Brawl’ para sa regular nitong pang-alas 9-10 ng Huwebes ng gabing oras sa IBC Channel 13 sa Nobyembre 5.

Show comments