Inaasahan na ang nasabing mahigpitang exhibition game ay magiging bahagi ng preparasyon ng mga kalahok na koponan para sa susunod na buwang Southeast Asian Games dito kung saan tangka ng Philippines, Indonesia at Myanmar na biguin ang misyon ng Thailand.
At dahil apat sa mga manlalaro ng Thailand ang may malawak na karanasan sa World Championship, sila ang team to beat sa tournament na itinataguyod ng Shakeys Pizza at inorganisa ng Philippine Volleyball Federation kung saan ang Sports Vision Management Group, Inc. ang event coordinator. Nakatakda ring dumating ngayong araw ang Indon at Mynamar.
Ang Solar Sports ang siyang magko-cover ng mga laro simula sa alas-5 ng hapon.
Sina Nurak Nokputta, Pleumjit Thinkaow, Naraporn Phongtong at Wanna Burkaew, ang mga miyembro ng koponan na nagpakita ng akisyon sa world title sa Germany noong 2002 ang babandera sa malakas na Thai squad sa tatlong araw na tournament na magtatapos sa Linggo.
Dinomina ang womens volleyball sa SEA Games noong 1995 Chiang Mai Games, bubuksan ng Thais ang kanilang kampanya kontra sa Indonesia bukas, habang sasagupain naman ng Myanmar ang host squad Philippines sa Sabado at sa Linggo naman gaganapin ang championship.
Sasagupain ng Filipinos ang Myanmar sa kanilang unang laro, bago susukatan ang Indons sa Sabado at umaasa sila na kapwa malulusutan ng Pinay netters ang nasabing mga laban para sa momentum na kanilang kailangan laban sa Thais.
Ngunit naniniwala ang mga eksperto na matindi ang kailangang momentum ng Filipinas para supilin ang Thai spikers, na regular na sumasali sa World Womens Grand Prix sa nakalipas na tatlong taon at ranked No. 4 sa Asia at No. 12 sa mundo.
Hindi rin dapat maliitin ang kakayahan ng mga Pinay, ang defending SEAG champion na nagkuwalipika sa World Championships ng dalawang ulit noong 1998 sa Argentina at 2002 sa Germany.