Ang sinasabing dahilan ay ang pagkampi pa rin ng FIBA sa Basketball Association of the Philippines (BAP) ni Joey Lina.
Nakatakdang umuwi sa Pilipinas kagabi si Cojuangco mula sa FIBA Headquarters sa Geneva, Switzerland.
Ayon sa isang opisyal, hindi pinakinggan ni Baumann ang mga paliwanag ni Cojuangco sa pagsibak sa BAP bilang miyembro ng POC at ang paghingi sa FIBA ng rekognisyon para sa Philippine Basketball Federation (PBF) ni Moying Martelino.
Sa kabila ng patuloy na pagkatig ng FIBA sa BAP, nananatili pa rin itong suspendido sa lahat ng torneong pinapatakbo ng naturang international basketball federation.
Subalit inaasahan rin itong aalisin ng FIBA bago ang 23rd Southeast Asian Games na nakatakda sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 5.
Patuloy pa rin sa kanilang ensayo ang men's basketball team ni coach Boysie Zamar at ang women's squad ni mentor Raymund Celis, ayon kay BAP secretary-general Graham Lim.
Sapul noong 1991 Manila SEA Games, ang men's team ang palagian nang naghahari sa basketball event. (RC)