Pacquiao, magpapainit muna sa Cebu

Sa Cebu muna magsasanay si Manny Pacquiao. Ito ang naging desis-yon ng Pinoy icon bago sumabak sa masusing pagsasanay sa Wild Card Boxing Club sa Hollywood para sa nalalapit na laban kontra kay Mexican Hector Velazquez na nakatakda sa Setyembre 10 sa Staples Center sa Los Angeles.

"Mag-eensayo muna ako sa Cebu para pagdating ko sa Amerika ay ready to rumble na tayo," wika ni Pacquiao kahapon mula sa kanyang bayan sa General Santos City. "Ayoko namang dumating doon na wala sa kundisyon."

Ipinagpaliban muna ni Pacquiao ang kanyang pagtungo sa Los Angeles na nakatakda kahapon makaraang pumayag si American trainer Freddie Roach sa kanyang kagustuhan, ayon kay Joe Ramos, ang siyang umaasikaso kay Pacquiao kapag ito ay nasa Amerika.

Pinaplano na rin na walang sinumang makakapasok sa Wild Card habang nag-eensayo si Pacquiao upang hindi maistorbo gaya ng nangyari noong Marso nang ito ay lalaban pa lamang kay Morales.

Si Velazquez ay kagagagaling lamang sa laban nitong isang buwan sa Chicago kung saan nito pinatumba si Trinidad Mendoza.

Tubong Tijuana, Mexico, si Velazquez ay mayroong rekord na 42-10-2 panalo-talo-tabla at kabilang sa mga panalo ay 30 knockout.

Sinabi ni Roach na bodypuncher umano si Velazquez at mayroon ding katibayan ang panga subalit tiwala pa rin ang tampok na trainer na kaya itong pabagsakin ni Pacquiao.

Ang premyo umano ni Pacquiao sa labang ito ay $700,000.

Show comments