Ito ang ikalimang panalo ng Nationals matapos ang anim na laro kung saan kailangan nilang talunin ang Russia, host Chinese-Taipei at Passing Lane mula sa United States upang makopo ang ikatlong Jones Cup title.
Hawak na ng RP-SMB ang panalo nang kanilang itala ang 71-62 pangunguna may 4:26 ang nalalabi. Subalit nanahimik ng halos mahigit sa apat na minuto ang Filipinos na naging daan upang makapaglunsad ng 10-0 salvo ang Japanese na tinampukan ng magkasunod na tres nina Kayuzuki Nakagawa at Takuro Ito na nagdala sa Hapones sa 72-71 bentahe may 31. 1 segundo na lamang sa oras.
Hindi hinayaan ng Nationals na maagaw pa sa kanila ang panalo nang magpasiklab ang Far Eastern U standout na si Dennis Miranda na siyang nagsilbing bayani para sa Filipinos.
Mula sa delikadong situwasyon, naglabas si Miranda ng matikas na pulso ng kanyang kumpletuhin ang three-point play mula sa foul ni Nakagawa may 18.7 segundo ang nagbigay naman sa RP-San Miguel Beer na agawin ang trangko sa 74-72.
At sa pag-asang makasikwat ng tying winner o maipanalo ang laro sa pamamagitan ng pagkana ng triples, nataranta ang Japanese dahil sa pressure nang magkamaling maipasa ni Nakagawa ang inbound pass na napunta sa mga kamay naman ni Romel Adducul sabay kunekta ng winning basket.
Tanging ang pagkapagod na lamang ang magiging sagabal sa landas ng Nationals.
"Laspag na laspag na yung mga Vegas boys natin," patungkol ni Reyes sa anim na manlalaro na nanggaling mula sa Global Hoops Summit sa Las Vegas na kasalukuyang lumalaro ng ika-11th game sa nakalipas na 13-araw.
Matapos na hawakan ang manipis na 38-35 kalamangan sa halftime, nag-init ang Filipinos sa third period kung saan binanderahan ni Tony dela Cruz ang atake ng Nationals at iposte ang 14 abante, 61-47.
Susunod na haharapin ng Filipinos ang Russia-Samara na yumanig naman sa Chinese-Taipei sa isang kontrobersiyal na laban noong Miyerkules, ngayon sa alas-6 ng gabi.