May taas lamang na 5-foot-9, ang 22-anyos na si Saguindel, nasa ikatlong taon ng kursong BA-I Management sa UE ang siyang tinanghal na Best Player of the Game nang kanilang palapatin muli sa lupa ang mga paa ng University of the Philippines Fighting Maroons makaraang mamayagpag sa una nitong tatlong laban sa pamamagitan ng 57-51 tagumpay nila noong Hulyo 23 sa ginaganap na 68th UAAP Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Sa nasabing laro, nagtala si Saguindel ng 13 points, 4 rebounds, 2 assists at 1 steal na siyang naging susi tungo sa ikatlong sunod na panalo ng Red Warriors matapos mabigo sa una nitong laban sa kamay ng nagsosolong lider ngayong FEU Tamaraws (4-0).
Bunga ng kanyang ipinakitang impresibong laro si Saguindel, tubong Cebu at produkto ng University of San Jose Recoletos ang siyang napili para maging UAAP Player of the Week para sa ikalawang linggo ng liga mula Hulyo 18-24.
Tinalo ni Saguindel para sa naturang parangal ang nag-back-to-back na Best Player of the Games para sa league leader FEU Tamaraws na siya ring MVP noong nakaraang taon na si Arwind Santos.
Bukod kay Santos, ang iba pang mga naging kandidato para sa lingguhang citation bilang outstanding performer ay sina Jojo Hate ng host Adamson Falcons, Tyrone Tang ng defending champion De La Salle at Douglas Kramer ng Ateneo.