Parang kidlat sa basketball court si Kenji, at naihalintulad kay Paul Artadi ng Purefoods Hotdogs. Sa katunayan, nanga-ngarap siyang maglaro para sa De La Salle Green Archers sa susunod na taon.
Nagulat ang kanyang inang si Susan at ang ama niyang si Seiji nang makita nila ang dami ng taong dumalo sa libing. Halos lahat ay may suot na t-shirt na may nakasulat na "We Love Kenji" at luhaan. Sa huling misa. Subalit may bahid ang kanilang tuwa, dahil hindi diumano nakisama ang pulis at maging ang pamilya ng suspek na si Timmy Abujuela.
Sa paunang imbestigasyon pa lamang, nakalagay sa spot report na aksidente ang pagkabangga, kahit wala pang binibi-gay na kasulatan ang mga testigo.
Matapos umalis ang crew ng ABS-CBN sa Camp Jose Karingal, kung saan dinala ang suspek, inilipat ito sa opisinang may aircon. Katuwiran ni Superintendent Herminigildo Valdez, baka daw makatakas. Subalit ayaw bigyan ng urine o drug test ang nakabangga, kahit na ginagawa ito sa mga vehicular accidents.
Nang dalhin sa piskal ang suspek, nasaksihan ni Beaujing Acot, coach ni Kenji, na ang nakatokang humawak sa kaso, si PO2 Renato Sunga, ay sumakay sa pribadong sasakyan ng pamilya ng suspek. Nang humarap sa piskal, hinanapan ng mga urine at drug test. Sumang-ayon daw ang lahat na dalhin si Abujuela sa Camp Crame para maisagawa ang mga test na iyon. Subalit sa halip ay hinatid siya sa East Avenue Medical Center, at karaniwang physical exam ang ibinigay. Dahil dito, nakipagsigawan si Acot kay Sunga.
"Ganyan ba dito sa atin, kung may pera ka, kaya mong bilhin lahat?" tanong ng nag-iiiyak na inang si Susan. "Wala namang ganyanan. Hindi naman kami mayamang tao. Buhay ang kinuha mo. We just want fair justice."
Walang lumapit man lamang sa pamilya ng akusado upang mag-alok ng tulong, hanggang sa mailibing si Kenji sa Eternal Gardens noong Martes. Ngayon, may mga bali-balitang isang senador at mataas na opisyal ng pulis ang nakikialam sa kaso para di na humaba ang usapan.
"Kung may nagpakita man lamang ng malasakit sa kanila, matatanggap pa namin, lalambot ang posisyon namin, e," paliwanag ni Acot, na tumayong pangalawang ama ni Kanai mula nang pumasok ito sa Benedictine, anim na taon na ang nakalipas. "Pero, hindi, e. May special treatment pa kaming nakikita. Bakit naman ganoon?"
Iyun din ang aming katanungan: bakit naman ganoon?