KATARUNGAN PARA KAY KENJI, 16

Parang kidlat kung maglaro si Kenji Kanai, ang 16 na taong gulang na point guard ng Benedictine International School Tiger Sharks. Sa bilis at sipag ay marami ang nagugunitang mga manlalaro.

"Artadi" ang tawag namin sa kanya," banggit ni Beaujing Acot, coach ni Kenji. "Tuwang-tuwa kami, dahil umuwi ng probinsya yung dati naming point guard. Gayang-gaya ni Kenji si LA Tenorio."

Sa katunayan, kakausapin ng 5’11" na senior ang inyong lingkod, dahil nangangarap siyang maglaro sa UAAP na may suot na uniporme ng De La Salle Green Archers o Ateneo de Manila Blue Eagles.

Subalit, hindi na mangyayari iyon.

Nabundol ng kotse si Kenji kahapon ng umaga, dakong alas kuwatro. Lumabas siya kasama ng tatlong kaibigan sa Tapika bar sa kahabaan ng Katipunan.

Nakisakay ang grupo, at ibinaba sa tapat ng pedestrian overpass sa tapat ng Ateneo campus. Habang pababa si Kenji, nabangga sila ng rumaragasang Toyota Corolla. Patay agad si Kenji. Puro pasa naman ang kanyang mga kasama.

Ayon sa mga saksi, ang kotseng may PNP commemorative plate na "TIMMY" ay tumatakbo ng mabilis pababa sa flyover na tumatawid sa ibabaw ng Aurora Boulevard. Sa lakas ng pagkabangga, wasak ang unahan ng puting Toyota, at lumobo ang dalawang airbag nito sa harapan. Sumabog ang basag na salamin, at dugo ni Kenji.

Halos tanghali na nang madatnan ng inyong lingkod ang mga coach at kamag-anak ni Kenji sa Camp Jose Karingal, kung saan dinala ang suspek, isa daw nagngangalang Timmy Abejuela. Limang oras nang naghihintay ang karamihan, liban sa ina ni Kenji na si Susan, na nagmula pa sa Camp Rafael Crame upang tiyakin na ang anak niya ang bangkay, at sumubaybay sa autopsy.

Dumating ang isang crew ng ABS-CBN, at napansin sa "spot report" na nakalagay na "aksidente" ang pagkakabangga. Pero, sa bahaging iyon ng Katipunan ay may babaan talaga ng dyip sa gilid, kaya’t malabong nakaharang sila sa daan.

Pagala-gala ang suspek sa loob ng police station. Ayaw daw bigyan ng drug o alcohol test. Nang makaalis na ang crew ng ABS-CBN, inilipat ang suspek sa loob ng isang tanggapan na may karatulang "Commander" sa ibabaw ng pinto, at ipinagbukas pa ng aircon. Komportableng natutulog ang suspek na nakasuot pa ng itim na jacket, habang ang inang nawalan ng anak ay pinagpapawisan sa labas, at hindi na makatayo sa sobrang panghihina. Nasa Japan pa ang kanyang asawa’t di na nakitang buhay ang anak. Katuwiran ng isang Sgt. Sunga, baka daw makatakas. Sabi naman ng namumunong si Police Superintendent Herminigildo Valdez, hindi naman daw niya opisina iyon, kundi sa "traffic sector commander" lamang. Sagot ng pamilya, bakit hindi posasan? At paano siya makakatakas, gayung nasa labas ang buong pamilya ni Kenji, wasak ang kanyang sasakyan, at nasa loob sila ng isang kampo?

Kahapon din ang simula ng PAYA basketball season, kung saan magpapakitang-gilas si Kenji, bagamat sa ika-27 pa ang kanilang unang laro.

Sa kanyang huling araw dito sa ibabaw ng lupa, masayang nakikipaglanguyan pa si Kenji sa kanyang mga kakampi, dahil alam niyang makakatulong din ang aqua training sa kanyang laro.

Sana ay matagpuan niya ang hustisya, kahit man may padrino ang nakabangga.

Show comments