Ilang coaches na nga ang humawak sa FedEx at nabigo silang maisakatuparan ang pangarap na ito. Nagsimula ang Express sa ilalim ni Derick Pumaren na hinalinhan ni Bonnie Garcia. Hinawakan din sila ni Joe Lipa at nito ngang nakaraang Fiesta Cup at si Gerardo "Bong Ramos ang gumiya sa kanila.
Marami nga ang nanghihinayang sa FedEx sa katatapos na torneo ng PBA. Kasi nga, ang Express lang ang tanging koponang hindi nagpalit ng import. Ibig sabihin, mula Day One ay swak na swak na agad sa kanila ang kanilang import na si Anthony "Pig" Miller. Pero kinapos ang Express at hanggang "wild card" phase lang ang kanilang inabot kung saan tinalo sila ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs.
Puwes, malamang na sa susunod na season ay makabawi ang Express dahil tatlo nga ang kanilang first round pick. Katunayan, sila nga ang may hawak ng Number One Pick overall matapos na daigin ang Sta. Lucia sa lottery.
Pero teka, sino ba ang kukunin ng FedEx sa Draft?
Kasi nga, maraming nagsasabing hindi kukuha ng Fil-foreigner ang FedEx kagaya ng Sta. Lucia Realty. E, ang consensus ng karamihan ay si Anthony Washington ang dapat na maging Number One pick ng Draft.
Palalampasin ba ng FedEx si Washington? O palalampasin din ba ng Sta. Lucia si Washington?
Malaking kamalian kapag ginawa nila iyon lalung-lalo na para sa FedEx dahil kailangan din nila ng dominant big man. May edad na si Jerry Codiñera na siyang ikalawang pinakamatandang manlalaro sa liga. Baka nga si Codiñera ang maging pinakamatandang player sa PBA kapag hindi nagbalik si Chris Jackson sa Shell Velocity.
So, si Washington, na kabilang sa RP Team pool, ay magiging isang magandang haligi para sa FedEx.
Sa tutoo lang, wala namang masama kung kukunin ng FedEx si Washington dahil lehitimong Fil-Am naman ito at hindi peke. Ang masama ay kung kaduda-duda ang papeles ng manlalarong ito.
Pwede ring i-trade ng FedEx si Washington matapos na piliin ito bilang No. 1 pick sa Draft at makakuha ng sentro buhat sa ibang koponan bukod pa sa ibang perks. Pero may kakagat kaya?
Kung sakaling may kumagat, pwedeng gamitin ng FedEx ang dalawang iba pang first round picks nito sa pagkuha ng matatangkad na players na gaya nina Paolo Bugia, Niño Caneleta, Jondan Salvador, Val Domingo, Mark Kong, Jerwin Gaco, Raymond Dula at Ronald Capati.
Pero sa mga big men na nag-apply sa Draft, ito talagang si Washington ang may maaliwalas na future.