5th win target ng PCU, Letran at MT

Ikalimang sunod na panalo ang tangka ng defending champion Philippine Christian University, host Colegio de San Juan de Letran at ng Mapua Institute of Technology sa pagpapatuloy ngayon ng aksiyon sa NCAA men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome.

Matira, matibay ang magiging labanan ng PCU Dolphins at ng MIT Cardinals sa kanilang sagupaan sa alas-4:00 ng hapon na siyang tampok na laro ngayon.

Mauuna rito ay ang pakikipagsagupa ng CSJL Knights sa College of St. Benilde sa alas-2:00 ng hapon pagkatapos ng engkwentro ng kanilang junior counterparts na De La Salle Zobel at CSJL Squires sa alas-11:30 ng umaga.

Magkakasalo sa 4-0 karta ang Philippine Christian, Mapua at Letran kasunod ang St. Benilde na may 3-1 panalo-talo.

Ang mananalo sa pagitan ng Cardinals at Dolphins ay mananatili sa pangkalahatang pamumuno na posibleng masolo nito kung mabibigo ang Knights sa unang laro.

Huling tinalo ng Philippine Christian ang Jose Rizal University, 68-51 habang nanaig naman ang Mapua sa University of Perpetual Help Dalta System, 67-62. (Ulat ni CVO)

Show comments