Ayon sa 26 anyos na Pinoy ring sensation, inip na siyang makabalik sa dating porma at maghanda para sa kanyang comeback fight na nakatakda sa Setyembre matapos ang nakakatuyot na pakikipaglabang legal kung saan tinanggap ang out-of-court na pakikipag-areglo ni dating American promoter Murad Muhammad.
Dumating sa bansa si Pacquiao kahapon galing ng Los Angeles at dumeretso sa PSA Forum sa Pantalan Restaurant sa Manila kung saan nag-usap sila ng kanyang abogadong si Judd Burstein ng live phone patch mula sa New York at ilahad ang istorya ng kanilang tagumpay sa korte laban kay New Jersey-based Muhammad at ang plano ng ipinagmamalaki ng General Santos sa mga nalalabing buwan ng taon.
Gayunpaman, tumanggi ang dating Inter-national Boxing Federation superbantamweight champion na magsalita tungkol naman sa legal action nila laban kay Rod Nazario, ang dating manager ni Pacquiao na nakipagsabwatan kay Muhammad na ibigay ang milyones na kinita nito.
"Lets move on. Gusto ko na uling bumalik sa training at makapag-champion muli. Ayaw ko ng pag-usapan yan. Masaya na ako ngayon. Para kasing nakalabas na ako sa kulungan," anang pagod sa biyaheng si Pacquiao sa public sports program na hatid ng Red Bull, Supermax, Circure, PAGCOR at Manila Mayor Lito Atienza.
"Tapos na yung laban. Naghagis na ng tuwalya yung kalaban sa last round, kaya kalimutan na natin yan," patungkol ni Pacquiao sa $33 million suit na kanyang napagwagian laban kay Muhammad.