Base sa unang laro ni Marcus Melvin noong Huwebes ay malaki ang potential ng bagong import na ito. Si Melvin ay nagtala ng 33 puntos, 21 rebounds, apat na assists, isang steal at isang blocked shot upang ihatid ang Hotdogs sa 98-87 panalo kontra FedEx sa Game One ng kanilang best-of-three wild card series.
Ganito naman talaga ang numerong hinahanap ni coach Paul Ryan Gregorio. Nais niya ng isang import na umiiskor, kumukuha ng rebounds at lumilikha ng plays para sa mga locals.
Kung titingnan ang numero ng mga naunang imports ng Hotdogs, makikitang nakakadismaya ang mga ito. Ang unang import na si Antonio Smith ay nagtagal ng 11 games at nag-average ng 14.54 puntos, 22.18 rebounds, 2.27 assists, 1.36 steals, 0.91 blocked shot at 5.27 errors sa 45.91 minuto.
Si Lorenzo Coleman, na pumalit kay Smith, ay nag-average naman ng 17.33 puntos, 15.17 rebounds, 0.67 assist, 0.17 steal, 4.5 blocked shots at 6.5 errors sa 35.17 minuto sa anim na laro.
So, dito pa lang ay makikita na may napakalaking potential ni Melvin. Pwede niyang lampasan ang ginawa nina Smith at Coleman.
Pero hindi naman nagkukumpiyansa si Gregorio. Aniya, kaya lang siguro nakapamayagpag si Melvin ay dahil hindi siya na-scout ng kalaban. Apat na araw pa lang siyang dumarating bago ang laro nila laban sa FedEx.
Pwede din sigurong na-underestimate ng Express ang kaka-yahan ni Melvin dahil sa hindi naman ito nakapaglaro sa NBA tulad ng kanilang import na si Anthony Pig Miller. Si Melvin ay naglaro lang sa pre-NBA Draft games sa Chicago Bulls at Denver Nuggets at hindi nga napili bagamat siya ay produkto ng North Carolina State.
Kumbagay sumugal din ang Purefoods kay Melvin dahil hindi naman talaga impressive ang credentials nito. kailangan lang talaga nilang palitan si Coleman dahil alam ng Purefoods na walang maitu-tulong ito sa kanilang kampanya. Kumbagay naka-swerte ang Hotdogs kay Melvin!
Kaya naman ang Game Two sa pagitan ng Purefoods at FedEx mamaya ang siyang magiging tunay na sukatan ng galing ni Melvin. Alam na ng FedEx ang laro niya. Wala nang maitatago pa ang Purefoods. Wala na ang element of surprise.
Kapag nagawa muli ni Melvin ang mga numerong itinala niya sa Game One, malamang sa magwagi ang Hotdogs at tuluyang maka-pasok sa quarterfinals.
Ibig sabihin, tutoo si Melvin. Tutoong tagapagligtas ng Hotdogs!