Reyes, Yang magkikita na sa quaterfinals

Itinakda nina Efren ‘Bata’ Reyes ng Philippines at Yang Ching Shun ng Chinese-Taipei ang kanilang higanteng pagtatagpo makaraang umusad ang bawat isa sa pamamagitan ng opening rounds na tagumpay sa final leg ng San Miguel Asian 9-Ball Tour sa Robinson’s Galleria Trade Hall noong Biyernes ng gabi.

Dinaig ni Reyes si Kaoshiung leg runner-up Au Chi Wai ng Hong Kong, 9-1, habang ginapi naman ni Yang si Le He-Wen ng China, 9-4 sa ikalawang round upang isaayos ang kanilang inaasahang quarterfinal match sa event na inorganisa ng ESPN Star Sports.

Matapos tumabla sa 1-1, winalis ni Reyes, na kinuha ang Jakarta second leg, ang sumunod na walong racks upang isara ang laban sa harap ng nagbubunying hometown crowd. Nauna rito, binuksan ng 50 anyos pool legend ang kanyang kampanya sa pamamagitan ng 9-4 panalo sa Vietnamese na si Luong Chi Dung.

Hindi rin nagpahuli si Yang na nagpamalas ng kanilang pamatay na porma makaraang angkinin ang anim sa huling pitong racks kontra sa Chinese. Sinimulan ng Kaohsiung leg champion ang kanyang kampanya para sa ikalawang sunod na korona ngayong taon sa pamamagitan naman ng 9-4 panalo kay Alok Kumar ng India.

Umusad din sa quarterfinals si Singapore leg Gandy Valle nang gapiin nito si Japanese Satoshi Kawabata, 9-2. Susunod na makakalaban ni Valle ang 16 anyos na si Wu Chia Ching ng Chinese-Taipei.

Sumama din sa quarterfinals si Ronnie Alcano na nanaig kay Jeong Young Hwa ng Korea, 9-2.

Ang magandang araw ay bahagyang natabunan ng kalungkutan nang masilat ang number 2 seed at dating world number 1 na si Francisco ‘Django’ Bustamante na yumuko kay Malaysian Patrick Ooi, 3-9.

Show comments