"Para sigurado na," wika ng Colt 45 team captain na si Davadilla na magsusubi ng isa na namang signipikanteng titulo ngayong taon na ito sa pagdiriwang ng ika-50th anibersayo ng kapanganakan ng cycling race matapos magkampeon sa pinakahuling edisyon ng Marl-boro Tour na 1998 Centennial Tour.
Nakaipon ang 30-gulang na si Davadilla, tubong Malabon ngunit residente na ngayon ng Valenzuela, ng panigurong time distance kontra sa kanyang mahigpit na kalaban na si Frederick Feliciano ng BIR Vat Riders matapos pangunahan ang 194-kilometrong Stage 9 nang kanyang tawirin ang finish line sa loob ng 3-hours, 42-minutes at 14-seconds.
"Nagpatulong na ako sa mga kakampi ko. Tumira na ako sa first 27km pa lang. Inunahan ko na si Eric (Feliciano) para hindi na ako kakaba-kaba bukas," sabi pa ni Davadilla na nagsubi ng kanyang ikatlong P10,000 stage prize matapos pangunahan ang Stage 2 at 3 ng PhilCycling sanctioned race na ito na hatid ng Tanduay Gold Rhum sa tulong ng Sunbolt (official sports drink), Summit (official water), Osaka Iridology, Island Souvenirs, PhilAm Life at Nestle Power Bar.
Patungo sa ika-10 at huling stage ng karerang ito na tatawaging MVP Circuit sa pagtulong ni PLDT boss Manny Pangilinan kay PhilCycling president at dating Tour Pilipinas chairman Bert Lina ay may panigurong 5:26 minuto nang distansiya ang national team member na si Davadilla kay Feliciano sa kanyang total time na 35-hours, 44-minutes at 50 seconds at 11.58-minuto kay 2004 Tour Pilipinas titlist na si Tanguilig.
Ipopormalisa ni Davadilla ang pagsusubi ng P100,000 individual overall champiom at pag-agaw ng korona kay 2004 titlist Rhyan Tanguilig ng PLDT na nagsuko na sa kanya ng titulo, sa 78.6km Criterium race ngayon kung saan iikutin ng 77 mula sa 81-siklistang natitira ang 4.8-km circuit sa Roxas Blvd., Luneta at Grandstand na magmumula at magtatapos sa Raja Sulayman Park sa ala-una ng hapon upang mapahanay sa mga two-time champions na sina Antonio Arzala, ang kampeon ng kauna-unahang cycling tour na Manila-Vigan Race noong 1955 (56 at 59), Jose Sumualde (1965-66), Coenelio Padilla (1966-67), Jacinto Sicam (1981-82), Carlo Guieb noong 1993-94, Manuel Reynante (1977 at 1980) at Renato Dolosa (1992 at 94).
"Sayang kung tuluy-tuloy lang yung Marlboro (Tour) nuon, nakakuha pa sana ako ng isa kasi pakiramdam ko, kalakasan ko nuon. Hindi na kasi ako ganun kalakas ngayon, nadadaan ko na lang sa ensayo," sabi pa ni Davadilla na siya ring tatanghaling King of the Mountain na may premyong P30,000 matapos lumikom ng 31-puntos. "Nakatulong din na 10-stage ngayon, kasi expected ko na kay Rhyan (Tanguilig) uli to kasi kalakasan niya ngayon at siya ang defending."
Nasiguro na rin ng Colt 45 ang pagkopo ng P700,000 bilang team overall champion sa paglikom ng total time na 139-hours at 36.41 minute habang nagkasya sa P400,000 ang Tourism bilang runner-up na may 30.48 minutong time deficit kasunod ang Metro Drug (P280,000), Vat Riders (P200,000), Guerrero Brandy (P160,000), Custom (P130,000), Go21 (P110,000), Touch Mobile (P100,000) at PLDT (P90,000). (Ulat ni Carmela V. Ochoa)