Para sa Colt 45 team captain na si Warren Davadilla at para sa defending champion na si Rhyan Tanguilig ng PLDT, kapwa mahigpit na kalaban ang tingin nila sa isat isa.
Nanatili pa rin ang 1998 Centennial Tour champion na si Davadilla at si Tanguilig sa 1-2 positions ngunit dinagdagan ng una ang kanyang kalamangang oras sa huli matapos magsumite ng pinakamabilis na oras sa 35.5 kilometrong Tuy, Batangas-Tagaytay Individual Time Trial para angkinin ang ikalawang stage win.
Bagamat masama ang pakiramdam ng 30-gulang na national team member na si Davadilla, maaga nitong pinaspasan ang pagsikad at nagkaroon pa ng matinding determinasyon nang matanaw nito ang kanyang pinakamahigpit na karibal sa karerang ito para sabayan ang malakas na buhos ng ulan sa pagtawid ng finish line sa bilis na isang oras, dalawang minuto at 51 segundo.
"First 10 pa lang, nagkarga na ako ng konti pero di ko muna binigla. Meron akong natatanaw na rider sa unahan. Alam kong si Rhyan (Tanguilig) yon kaya lalo akong tumira para lalong madagdagan ang oras ko," ani Davadilla na may 2:25 minuto nang distansiya kay Tanguilig sa overall individual standings sa kanyang kabuuang oras na 7-hours, 14.2 minutes matapos ang tatlong stage ng 10-stage 11 day race na ito na hatid ng Tanduay.
Malaking bentahe kay Davadilla ang pamilyaridad sa ruta na kanyang pinag-eensayuhan dahil ito ang gagamiting ruta sa nalalapit na Southeast Asian Games na iho-host ng bansa sa taong ito.
Ngunit ito rin ang palagay ni Tanguilig na nahuli lamang ng isang gulong kay Davadilla sa Lucena-Tagaytay Stage 2 kamakalawa.
Magpapatuloy naman ngayon ang karera sa Malolos patungong Olongapo City para sa 133.06 kilometrong Stage 3 kung saan suot pa ang yellow jersey ni Davadilla na nagsubi ng kanyang ikalawang P10,000 stage prize matapos lamangan ng 29-segundo si Tanguilig na kumuha din ng kanyang ikalawang P5,000 stage runner-up prize at tumersera si Sherwin Diamsay ng Tourism na may P3,000.
Nanatili din si Alvin Benosa sa third place overall na may 3:30 minutong distansiya sa yellow jersey kasunod ang kanyang team-mate na si Santy Barnachea, ang stage 1 winner, na may 5:11 minutong distansiya habang umakyat naman sa ikalimang posisyon si March McQuin Aleonar ng Vat Riders na may 6:39 minutong deficit. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)