Dalawa na lang sa tatlong laro ng Jewels ang kailangan nilang ipanalo upang masiguro ang kanilang puwesto sa semis, kayat nais ni coach Robert Sison na magwagi silang muli kontra sa Bacchus Energy Drink sa kanilang paghaharap ngayong alas-4 ng hapon.
Samantala, sa unang laro naman magtatapat ang Granny Goose Kor-nets kontra sa maghihiganting Welcoat Paints na nakatikim ng pagkatalo mula sa lumalakas na koponan ng Toyota Otis-Letran.
Malabo pa ring makapaglaro ang ace player na si Alex Compton, pagkatapos magtamo ng injury noong nakaraang linggo, ngunit hindi naman ito iniinda ni Sison, dahil kumpiyansa siyang dadalhin ng kanyang mga bata ang laban, katulad na lamang ng nangyari sa nagdaang panalo nila kontra sa Magnolia Dairy Ice Cream.
Ang panalong iyon ang nagbigay ng nangungunang trono sa Mon-taña na may 7-1 na record, samantalang ang Welcoat at Harbour Centre naman ay nagsasalo sa 6-2 win-loss cards at ang Toyota Otis naman ay nananatiling buhay sa pagbibitbit ng 5-3. Ang Magnolia Dairy Ice Cream at Granny Goose ay tabla sa 3-5 card na maaring mawala sa sirkulasyon kung hindi nila pagbubutihin sa quarterfinals.
Hindi inaasahan ni Sison na magiging madali ang kanilang laban sa Bacchus, lalo pa at kaila-ngan nilang siguruhin ang kanilang slot sa semis.
Samantala, sa mga nagnanais lumahok sa clinic ng (CSBO) Center for Scientific Basketball Officials, ang deadline ng pagpaparehistro ay sa Biyernes. Kailangan lamang magdala ng resume sa PBL Office sa Makati Coliseum. (Ulat ni Raquel Reyes)