PBL Unity Cup: Baguion nagbida sa Montaña

Walang takot na sinugod ni Froilan Baguion ang mahigpit na depensa ng Welcoat Paints at umiskor ng game winning basket para sa 88-86 panalo ng Montaña Pawn-shop sa overtime sa pag-usad ng eliminations ng PBL Unity Cup sa Makati Coliseum kagabi.

Napipinto ang ikalawang overtime period nang magtabla ang iskor sa 86-all matapos ang drive basket ni Paolo Orbeta laban kay Alex Compton, may pitong segundo pa ang nalalabing oras para sa huling posesyon ng Jewels.

Matapos ibigay ang inbound pass kay Compton, bumalik kay Baguion ang bola at walang takot nitong idiniretso sa goal na naging susi sa ikaapat na sunod na panalo ng Montaña.

Nasolo ng Jewels ang liderato habang bumagsak naman ang dating co-leader na Welcoat na lumasap ng kanilang unang kabiguan matapos ang apat na laro.

Humantong sa overtime ang laro nang pakawalan ni Orbeta ang kanyang buzzer-beating triple sa regulation sanhi ng pagtatabla ng iskor sa 77-all.

Tumapos si Baguion ng 16-puntos sa likod ng 20-puntos na produksiyon ni Salvador para sa Montaña.

Sa unang laro, nakabangon ang Toyota Otis-Letran mula sa two-game losing streak matapos ang 78-70 panalo laban sa Bacchus Energy Drink.

Humataw sina Ronald Capati at Mark Macapagal sa ikaapat na canto upang ihatid ang Letran Knights sa ikalawang panalo matapos ang apat na laro habang bumagsak naman ang Bacchus Energy Drink sa 1-3 karta. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments