Alam naman ng lahat na matindi ang rivalry ng dalawang eskuwelahang ito sa Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP). Pero isinaisang tabi na nina Ritualo at Gonzales iyon ngayong mga professional basketball players na sila.
Puwes, sa Philippine Basketball League ay mayroong ding pagkakaisang nagaganap sa pagitan ng mga manlalaro buhat sa La Salle at Ateneo at itoy nangyayari sa baguhang koponang Harbour Centre.
Sa Harbour Centre ay nagsama sina Mark Cardona ng La Salle at LA Tenorio ng Ateneo. At matindi ang Mutt and Jeff combination na ito. Si Cardona ang siyang leading scorer hindi lang ng Harbour Centre kundi ng PBL Unity Cup sa average na 26.67 puntos kada game. Karamihan naman sa puntos niya ay galing sa pasa ni LA Tenorio.
Isang klasikong halimbawa na lamang ang naganap noong Martes sa endgame ng Harbour Centre at Toyota Otis Letran. Nagawa ng Knights na mapalis ang siyam na puntos na abante ng Port Masters at makalamang, 73-72 may dalawang segundo na lang ang nalalabi.
Si Tenorio ang siyang nagsagawa ng baseline inbound at ipinasa niya ang bola kay Cardona na nagpakawala ng isang three-point shot na pumasok upang magwagi ang Harbour Centre, 75-73.
Sa tutoo lang, magandang crowd drawer sa PBL ang Harbour Centre dahil patuloy na susubaybayan ng mga taga-Ateneo at La Salle ang torneo. Itoy matapos na tumigil sa paglahok sa PBL ang ICTSI-La Salle at ang Addict Mobile-Ateneo.
Suwerte naman si coach Tonichi Yturri at napagsama nga niya ang ilang stars ng dalawang sikat na eskwelahan sa iisang koponan.
Bukod kay Tenorio ay kinuha din ni Yturri ang mga Blue Eagles na sina Paolo Bugia at Magnum Membrere. Bukod naman kay Cardona ay nasa Harbour Centre din si Jerwin Gaco.
Sina Cardona at Bugia ay hindi na maglalaro pa sa kanilang school teams sa susunod na UAAP season. Natapos na ang limang taon ni Bugia sa Ateneo at sinabi niya na lalahok na siya sa 2005 PBA Draft. Bagamat may isang taon pang natitira sa kanyang eligibility sa La Salle ay hindi na rin lalaro pa si Cardona sa Green Archers at aakyat na rin sa PBA.
So, nais nina Cardona at Bugia na maging maganda ang exit nila sa amateur ranks. Kahit na baguhan ang kanilang team, malaki ang potential ng Harbour Centre na makapamayagpag sa PBL.Ayon nga sa mga eksperto, kapag buong-buo na ang teamwork sa Harbour Centre, mahirap itong tibagin at tiyak na papasok ito sa semifinal round.
Pero hindi lang naman semis ang puntirya ng Harbour Centre.
Cinderella finish ang hangad nina Yturri at ng Port Masters!