Kinapos sina dating junior standout Alexander Briones, Carlos Padilla at kapwa niya first-timer na si Eunice Alora sa kani-kanilang kampanya para sa Philippine-Petron team sa nasabing prestihiyosong event na nilahukan ng 120 bansa.
Hindi nasustinahan ni Briones, consistent medalist sa mahigpitang Korean Open ang kanyang panalo sa unang laban kontra sa Canadian na si Jean Francois, 7-4, subalit kinapos siya pagdating sa ikalawang laban kontra naman sa Russian champion na si Avet Osmanov.
Ibinuhos lahat ng 22-anyos standout ng University of Santo Tomas ang kanyang lakas upang matapatan ang kanyang kalaban sa unang dalawang rounds bago siya naglunsad ng matinding atake sa final na dalawang minuto kung saan tinamaan niya ang Russian sa katawan, pero nabigo naman ang judge na bigyan ng iskor si Briones.
At sa muling pagbabalik ng laro, muling tinamaan ng Filipino ang kanyang kalaban sa mukha sa bisa ng 45 degree kick, subalit ang bonus na dalawang puntos ay hindi dumating na naging daan upang mai-takas ng Russian ang 6-5 decision.
"Nayari tayo sa scoring," pahayag ng dismayadong team manager na si Noli Gabriel.
"Ang daming sipa na pasok lahat sa katawan ng Russian pero hindi iniskoran. Losing is part of the game really, pero mismong ang crowd nagre-react, hindi tayo talo sa laban na yun."
Ang masaklap na kabiguan ay dumating matapos na yumukod si Padilla bunga ng biased officiating.
Gaya ni Padilla, lumasap din si Allora, na lumaban sa womens lightweight division, ng nasabi ring masaklap na kapalaran nang matalo sa Mexican opponents sa mahigpitang laban, 5-6.