Ayon kay BI Executive Director Roy Almoro, nagpalabas na ng sum-mary deportation order ang Board of Commissioners noong Abril 7 laban kay Graham Chua Lim, kung saan blacklisted na rin ito at hindi na papayagang makapasok sa bansa.
Sinabi ni Almoro na si Lim ay isang Taiwanese at lumabag sa Philippine Immigration Law dahil sa pagiging pekeng Pinoy. Nakatakda ding mag-isyu ng deportation warrant si BI Commissioner Alipio Fernandez laban kay Lim.
Ayon sa BI si Lim ay ipinanganak na kapwa Chinese ang mga magulang noong Feb. 7, 1957 sa Manila. Ngunit kahit dito ipinanganak sa bansa hindi maituturing na Pinoy si Lim.
Nagtataglay din umano si Lim ng Taiwanese passport mula sa Taipei Economic Cultural Office sa Maynila noong Marso 21, 1986.
Ibinasura ng Manila Regional Trial Court ang petition ni Lim para sa naturalization noong Feb. 9, 1995.
Nabatid na kinansela na rin ng Department of Foreign Affairs ang Philippine passport ni Lim noong Oct. 9, 2003 makaraang madiskubre na nakakuha ito ng pasaporte sa pamamagitan ng pamemeke. (Ulat ni Grace dela Cruz)