Mag-inang Taulava ‘di binigyan ng subpoena para sa hearing

Bahagi ng taktika ng Department of Justice na pasimulan ang imbestigasyon sa kaso ng basketbolistang si Paul Asi Taulava na hindi man lang ito inabisuhan.

Ito ang pagdududa ni Atty. Eduardo Francisco, abogado ni Asi, kasabay ng pagbatikos sa DoJ na nakatakdang magsagawa ng preliminary investigation sa kaso ng PBA 2003 MVP awardee.

Ayon kay Francisco, hindi ito makatarungan at kadududa pa.

"Something is fishy that Taulava ang his mother Pauline were not issued subpoenas by the DoJ. How come all the other respondents we subpoenaed by the DoJ and the Taulavas were not?" pagtatanong ni Francisco.

Tinuligsa ni Francisco ang kawalan ng notice o abiso ng DoJ sa mag-inang Taulava sa nasabing imbestigasyon at malinaw ang pagiging ‘bias’ ni DoJ Secretary Raul Gonzales laban kay Asi.

Sinabi pa ng abogado na ang imbestigasyon ng DoJ ay paglabag sa kautusan ng Manila Regional Trial Court (RTC) na gumawa ng hakbang na maghuhubad ng Filipino citizenship ni Taulava nang walang due process of law.

Binigyang diin pa ni Francisco na hindi nararapat na ituloy ang impartial preliminary investigation sa kaso ni Taulava dahil sa lantarang pagiging ‘bias’ ni Gonzales sa kanyang kliyente nang ihayag sa media ang summary deportation ng naturang cager.

Show comments