Madali, sabi ko. Anong pusta?
Kung makumbinsi ko raw sila, ililibre daw nila ako saan ko man gusto. Ayos.
Sinimulan ko sa unang panahon. Ang Olympics ay nilikha bilang pagpapakitang-gilas at pagyayabang sa pagiging matipuno ng mga atleta. Katunayan, ilang digmaan na ang natigil dahil may idinaraos na Olympic Games. Di nagtagal ay ang isports mismo ang pumalit sa digmaan, nang sa gayun ay hindi na dumanak ang dugo. Ilang bilyong dolyares na ang natipid sa pagtatayo ng mga gusali at pagpapalibing lamang dahil dito.
Bumunot na ng pitaka sa isa sa kanila.
Pangalawa, dagdag ko, ang sports ay napakalaking tulong sa ekonomiya ng isang bansa. Bakit gumagastos ng milyun-milyong dolyares ang mga casino sa Las Vegas para lamang magkaroon sa world title fight sa kanilang bakuran? Una, patalastas ito sa buong mundo para sa kanilang hotel at casino. Pangalawa, maraming nahahatak na sugarol sa mga casino nila tuwing may laban. Katu-nayan, ang mga bigatin ay sagot pa ng casino mismo, magtapon lang sila ng pera doon.
At alam niyo ba, sabi ko, na ang bawat bayang punong-abala ng Olympics ay may pagkakataong kumita ng hanggang $15 bilyon? Itoy sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Isipin niyo iyon.
Nagbilang na ng pera ang pangalawa kong kasama.
At, bilang pangwakas, isinalaysay ko ang kuwento ng isang pobreng bata, na isinilang na may migraine, asthma, scoliosis, at flat feet. Bawat kilos niya ay masakit, at hindi siya makahinga.
Nagpatay ng sigarilyo ang pangatlong peryodistang kaharap ko.
Ang batang ito ay lumangoy araw-araw sa loob ng dalawang taon, at nawala ang kanyang hika. Dahil flat-footed, nasanay tumakbo, at naglaho ang mga sakit ng ulo. Sumubok ng kung anu-anong sport, at dumiretso ang likod. At, hanggang ngayon, sa edad na 40, ay kayang makipagsabayan sa mas nakababata sa kanya sa maraming sport. Pati na rin sa bagay na ipinagmamalaki madalas ng mga kalalakihan. At hindi siya tumataba.
Sino daw ito?
Ako, sabi ko.
Ang sarap talagang kumain ng libre.