Ang kanyang pagtuntong sa tagumpay at kasikatan sa buong mundo ay isang inspirasyon sa lahat ng nilalang na wala rin at kapos na kapos sa buhay.
Na habang nabubuhay tayo, magsipag lang at magtiyaga, mangarap lang at magsikap para sa mga pangarap na ito, kayang kaya ring marating ang anumang narating ni Manny.
Natatandaan ko yung kuwento ng dating PBL chairman na si Dioceldo Sy. Noon daw, binabayaran niya ng P200 si Manny para lang i-train si Asi Taulava nung naglalaro pa ito para sa Blu Detergent team noon sa PBL. Ang Blu team ay pag-aari ni Sy.
Nung kinuha niya itong endorser para sa Shark Energy Drink na isa ring PBL team, binayaran niya ito ng P100 thousand at tuwang-tuwa na si Manny.
Noon yan. Ngayon, baryang barya na lang ang halagang yan kay Manny.
Iba na rin ang mundo niya. Buong mundo na.
Kapansin-pansin nung Linggo ng umaga at tanghali, walang traffic sa daan. Sa EDSA. Kahit saan.
Walang laman ang mga malls.
Halos walang tao sa PBA games sa Araneta.
Walang kaingay ingay sa mga palengke at tambayan.
Halos walang tao sa mga beach at normal na umpukan ng mga tao kapag Linggo.
Lahat halos ng tao, sa iisang channel lang nakatutok at walang pakialam at panahon sa kung sino man ang nagsasayaw o kumakanta o nagse-celebrate sa SOP ng GMA 7 at ASAP ng Channel 2.
Bakit?
Halos lahat ng Pilipino, nasa bahay nila at nakabantay kay Manny Pacquiao. Sa RPN- 9 ( o sa Solar Sports na Channel 29 sa cable).
Iilang oras na nakatutok sa kani-kanilang telebisyon at nakisama sa buong sambayanan sa pagdarasal kay Manny Pacquiao.
Kahit slightly delayed telecast, kahit na sangkaterba ang commercial, walang paki ang bawat Pinoy basta't makatutok lang sa TV.
Very rare na ang buong bansa eh nagkakaisa.
Nagkakaisa na may iisang hangarin at dasalin-- na gabayan sana si Manny Pacquiao.
Nakapangingilabot na ang isang Pinoy na halos nagmula sa wala ay sikat na sikat sa buong mundo.
Nakakapanindig ng balahibo na milyon milyon ang nanonood ng laban na yan at kinakanta ang ating Pambansang Awit na umalingaw-ngaw sa bawat sulok ng mundo.
It was a sensational sight that crippled our emotions and made us cry--- to see a Filipino gallantly fighting alone for our country at a time when we badly need heroes.
Napakasakit at kalunos-lunos na makita ang bawat dugo na tumatalsik mula sa mukha ni Manny sa bawat suntok ni Morales, pero ang bawat dugo na yan ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat Pilipino na sa gitna ng mga sangkaterbang dagok at mga hagupit sa ating buhay, kaya nating lumaban at makipagsabayan kaninuman.
Sa bawat indayog ng mga suntok ni Manny, nakisigaw tayo. Sa bawat hagupit ng suntok ni Morales kay Manny, para bang nalasap din natin ang sakit. Sa bawat tulo ng dugo sa mukha ni Manny, ewan ko ba pero bakit parang tayo ang tinamaan.
Natalo man si Manny, taas noo niyang maipagmamalaki sa buong mundo na dugong Pinoy ang nanalaytay sa kanyang mga ugat-- Pinoy na hindi susuko at lalaban pa rin hanggang sa kahuli-hulihang patak ng dugo.
Dalawang oras na nagkaisa ang bawat Pinoy, anuman ang kulay o katayuan sa buhay, mahirap man o mayaman, matanda man o bata. Miminsang mangyari yan sa ating bansa na ang buong sambayanan ay nakabantay sa iisang bayani.
Anuman ang nangyari, bayani pa rin sa mata ng tao si Pacquiao.
Tama ang mga sinabi ng ringside announcer--- Manny is a 100 percent warrior. His energy is unbelievable, Pacquiao is a great fighter.
Mananatili siyang modern day hero sa ating mga puso.
Mabuhay ka, Manny Pacquiao!