Nagwagi si Roel Ramirez, isang Physical Education student mula sa University of the East ng silver medal sa katatapos pa lamang na American Cup, isang World Cup Category A tourna-ment na nilahukan ng mga top gymnasts mula sa buong mundo na dinaos noong Pebrero 21-25 sa Nassau Veterans Coliseum sa Long Island, New York.
Nagposte ang 21-anyos na si Ramirez, gold medalist sa Vietnam SEA Games dalawang taon na ang nakakaraan ng 9.312 sa vault event para sa mens artistic gymnastics (MAG) na kapos lamang ng 0.144 puntos sa likod ng eventual gold winner na si Jeffrey Wammes ng The Netherlands.
Nagwagi rin ang 20-anyos na si Wammes ng ginto sa floor exercise sa pag-iskor ng 9.456, habang kinuha naman ni Luis Rivera ng Puerto Rico ang bronze sa kanyang naitalang 9.200 puntos.
"Sayang. Akala ko bandera na natin ang maitataas sa event ni Roel. Pero masaya na rin ako dahil we were able to prove na kayang makipagsabayan na," pahayag ni coach Sonny Ty, na sinamahan ang lima-kataong delegasyon kasama ang kanyang assistant na si Robin Padiz at head delagation at US-based team manager Johnny Valdez.