Iginupo ng Gin Kings ang Talk N Text Phone Pals mula sa isang emosyunal na 108-102 tagumpay para ibulsa ang isa sa dalawang awtomatikong semifinals berth sa 2004 PBA Gran Matador Philippine Cup sa Cuneta Astrodome kagabi.
Ang naturang panalo ang nagbigay sa Ginebra, sinuportahan ng karamihan sa 11,026 manonood, ng 13.5 rekord kasabay ng pagtulak sa Talk N Text sa isang playoff laban sa Shell para sa ikalawang semis ticket.
Kapwa may 12-6 mark ang Phone Pals at Shell, kinuha ang 92-88 abante sa 7:18 ng fourth quarter bago umarangkada ang Gin Kings sa paglista ng 104-98 abante sa huling 1:57 segundo ng laro mula sa basket ni Eric Menk.
"I would like to greet everyone a Merry Christmas, especially the fans of Ginebra," ani mentor Siot Tanquingcen.
Kumulekta si Jayjay Helterbrand ng career-high 33 puntos at 8 assists para sa Gin Kings., habang may 15 markers, 7 rebounds at 2 shotblocks naman si Andy Seigle.
Samantala, nakatanggap rin ng Pamasko ang San Miguel Beer nang kanilang igupo ang Red Bull, 92-78 sa inisyal na laro tampok ang game-high 27 puntos ni Nic Belasco.
"We need this game badly para at least we can forge a playoff with either Purefoods or Alaska," wika ni SMB coach Jong Uichico.
Isang 21-4 blitz ang ginawa ng San Miguel sa third quarter, pito rito ay mula sa 11 markers ni two-time Most Valuable Player Danny Ildefonso na nagbaon sa Red Bull sa 69-44 sa huling 1:41 segundo ng labanan.
Nailapit ng Barakos, nahulog sa No. 10 spot sa wildcard phase katunggali ang No. 3 team na magbibitbit ng twice-to-beat privilege, ang laro sa 73-83 galing kina Nelson Asaytono at Lordy Tugade sa huling 3:44 ng labanan.