Ramos o Reynante para sa CSI Criterium Race

Mag-uunahan sa pagpapamalas ng supremidad sina Merculio Ramos ng Team TCL at Lloyd Reynante ng Team Pagcor sa closed-circuit racing sa pagdako ng ikatlo at pinal na yugto ng Cycling Search Invitational Criterium Race na ipiniprisinta ng Pagcor ngayon sa Vigan, Ilocos Sur.

Kapwa may hawak ng 23 puntos, sina Ramos at Reynante ay inaasahang magrerematahan para sa pangunahing karangalan sa deciding 48 km, 15-lap event sa kapaligiran ng kapitolyo ng Vigan.

Bumabandera ang Team TCL na may 61 puntos kasunod ang Team Pagcor na may limang puntos lamang na namamagitan sa 56 para sa top team honor at pangunahing premyo na P15,000 sa mainit na pinaglalabanang individual competition na may P5,000 na nakataya para sa magwawagi.

Pagtutuunan din ng pansin ang elite category, na tatampukan ng mga riders na hindi pa sumasali sa anumang national o international cycling events kung saan nangunguna naman si Joel Balucos ng Team Excellent na umaasam ng engrandeng pagtatapos matapos makontrol ang laban sa kanyang 26 puntos.

Ngunit hindi magpapabaya ang 1-2 punch ng Team Jazy nina Adrian Malanum at Jazy Garcia na naghahabol na may 24 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod kung saan inaasahang babangon ang first leg winner na si Alfredo Asuncion (15 points) at Edmar Magbitang na nasa ikalimang puwesto na may 11 puntos, ‘sa event na inorganisa ng Treo Sales and Management Corp. at suportado ng Lungsod ng Maynila, Tarlac at Vigan City, Rudy Project, Tarlac Electric Co., Partas Transport, Philippine Charity Sweepstakes Office, PhilPost, UCPB Gen., Masco, WOW Phils., TCL, PhilCycling at Air21, na naglalayong makadiskubre ng mga bagong talento sa men’s at women’s division.

Sa katunayan ang all-woman cycling team ng David’s Salon na kinabibilangan nina national mainstay Marita Lucas at Bing Alto, dating national triathlon team members nina de Leon at Kaye Lopez kasama si Mona Valdez ang kukumpleto sa event at nangakong magbibigay ng magandang laban sa Vigan. <

Show comments