Bagamat hindi pa kumpleto ang puwersa nakapagpundar na ng magandang kartada ang Beermen na nais nilang masustinihan sa kanilang nakatakdang pakikipagharap sa sister team na Coca-cola sa pag-usad ng eliminations ng 2004-2005 PBA Gran Matador Philippine Cup.
Nakatakda ang laban sa alas-4:00 ng hapon na maghihiwalay ng landas ng Beermen at Tigers na kasama sa four-way logjam kung saan ang matagumpay na team ay sosolo ng ikalawang posisyon.
Kasama ng Beermen at Tigers sa four-way tie sa 2-1 record ang Shell at ang Purefoods na natalo kontra sa Red Bull kamakalawa ng gabi, 101-81 para manatiling nakabuntot sa pangkalahatang lider na defending champion Talk N Text na siya na lamang team na walang talo sa taglay na 3-0 record.
Kahit di pa nakakalaro si Seigle na nagrerekober pa sa kanyang injury sa paa na nagka-bone spurs, kumulekta ng dalawang sunod na panalo ang Beermen matapos mabigo sa kanilang opening game laban sa Phone Pals, 89-93, noong October 3.
Sa ikalawang laro, maghaharap naman ang FedEx at Alaska sa alas-6:30 ng gabi bilang main game.
Sisikapin ng Aces na makapasok sa win column matapos ang dalawang sunod na talo laban sa FedEx na 1-1 kartada matapos ang 98-118 kabiguan sa Phone Pals. (Ulat ni CVOchoa)