Matapos dumalo ng basketball clinic sa Florida noong off-season, umusbong ng mas mahusay si Telan at ebidensiya dito ang nauna niyang dalawang laro sa ginaganap na torneo at pangunahan ang Phone Pals sa scoring sa average na 19 puntos bukod pa sa 5 rebounds, 3.5 assists at 1.5 steals at dalawang errors sa 31.5 minutong paglalaro.
Kontra sa San Miguel Beer na tinalo ng Talk N Text, 93-89, noong opening, umiskor si Telan ng 20 puntos bukod sa paghakot ng 6 rebounds 4 assists at 2 steals. At hindi tsamba ang mga ito dahil sinundan pa niya ito ng 18 puntos, 4 rebounds, 3 assists at steal nang manaig ang Phone Pals sa Alaska Aces, 94-86.
Dahil dito, napiling Player of the Week si Telan para sa Oktubre 3-10. Naungusan niya si Noy Castillo ng Purefoods na maganda rin ang nilaro.
Nagsimula ang PBA career ni Telan sa dating Tanduay Rhum noong 1999. Sa sumunod na season, na-involve ito sa three-way trade na kinabibilangan ng Shell at Talk N Text at napunta sa Turbo Chargers kung saan nakadalawang season ito. Kinuha siya ng Talk N Text noong 2002.
Ang taga-Antipolo City na si Telan ay naglaro ng high school ball sa Mapua Institute of Technology sa NCAA bago nag-college sa La Salle sa UAAP naman. (Ulat ni AC ZALDIVAR)